Papalubog ang araw, noon kita natanawan
Mula sa malayo pilit kang tiningnan
Ikaw ay nakaupo sa tabi ng pampang
At tila nilalamig sa hanging amihan.
Hindi nagdalawang isip, ikaw ay nilapitan
At ako’y nabighani sa angkin mong kagandahan
Ako ay nagtanong “Ano ang iyong pangalan?”
Ngunit ang iyong tugon ay simpleng ngiti lamang.
Muli ay nagtanong kung pwede akong tumabi
Bahagyang tumango may pilit na ngiti.
Tatlumpong minuto ng katahimikan
Babasagin ko sana ngunit iyong naunahan.
Tinanong mo ako ano ang aking ngalan
Agad akong tumugon inabot ang kamay
Inaya kang maglakad sa dalampasigan
Sa iyong pagtayo, ikaw ay inalalayan.
Para tayong paslit sa lansangan
May ligayang nadarama sa katahimikan
Sa tubig ng dagat tayo’y nagtampisaw
Kinalimutan saglit ang tunay na buhay.
Wala ni isang salitang namutawi
Puro halakhak ang lumabas sa labi
Hindi nagtanong, walang pasintabi
Tayo ay nagkaintindihan sa ating mga ngiti.
Magdadapi’t hapon na, ikaw ay nagpaalam
Gusto mang ihatid, ngunit ikaw ay umayaw.
Sa huling sandali, ikaw ay tinitigan
Ang mga mata mo’y tila nanamlay.
Ikaw ay tinanaw mula sa buhanginan
Ako ay sandaling pumikit at nagdasal
Sa pagmulat ng aking matang mapanglaw
Ikaw ay wala na, di na masilayan.
Muli ay humiga sa dalampasigan
Iminulat ang mata sa kalawakan
Isang talang maningning aking nasilayan
Ngunit nawala din pagsikat ng araw.
_________________
mapanuring panitik